Isinara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang isang condo unit sa Ortigas Center sa Pasig City na pag-aari ng mag-asawang Filipino-Chinese na sangkot sa iligal na droga.
Sa isang operasyon, ipinaskil ng PDEA at AMLC ang Provisional Asset Preservation order na inisyu ng RTC Branch 37 sa opisina na pag-aari ng mag-asawang Liuzhou Zheng at Zhen Zhen Chen.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, lumabas sa financial investigation ng AMLC na ginagamit ng mag-asawa ang kanilang opisina at kompanya para itago at linisin ang drug money.
Lumilitaw na nagkaroon ng deposito at withdrawal si Zheng ng mula ₱2.5 milyon hanggang ₱5.7 milyon sa loob ng tatlong taon gayong wala naman itong lehitimong source of income.