Pinuna ngayon sa House Committee on Appropriations ang budget para sa Confidential at Intelligence Fund sa susunod na taon.
Ito ay kasunod ng pagsita ni Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite sa kawalan ng ideya ng Office of the President (OP) sa pagkakasangkot ng ilang Chinese companies sa militarisasyon sa West Philippine Sea gayong may mataas naman na pondo para sa intelligence.
Sa budget hearing ng Kamara sa OP, mayroong P4.5 billion na pondong inilaan para sa Confidential at Intelligence Funds sa 2021.
Umapela naman si Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na ilaan na lamang sa kalusugan at kabuhayan ng mamamayan ngayong may pandemya ang budget para sa intel funds.
Pero katwiran naman dito ni Deputy Executive Secretary Alberto Bernardo kailangan na kailangan ang intel funds dahil sa kabila ng COVID-19 pandemic ay marami pa ring mga terorista ang nagsasamantala at nagtatangka na pabagsakin ang seguridad ng bansa.
Samantala, para sa 2021 ay mayroong proposed budget na P8.238 billion ang OP kung saan P6.487 billion ang inilaan sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), P1.107 billion sa personnel services, at P590.9 million para sa capital outlay.