Walang sinuman sa mga senador ang nagtangkang galawin ang Confidential at Intelligence Fund (CIF) sa tanggapan ng pangulo.
Ibig sabihin, hanggang sa naaprubahan sa huling pagbasa ang P5.768 trillion na 2024 national budget ay hindi binawasan ang CIF ng Office of the President (OP) para sa susunod na taon.
Hindi naman na ikinagulat ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na walang senador ang sumubok na tapyasan ang CIF ng pangulo.
Para sa taong 2024, P4.56 billion ang panukalang CIF ng opisina ng presidente kung saan P2.25 billion dito ay confidential fund habang P2.310 billion naman ang ay intelligence fund.
Matatandaang unang iminungkahi ni Pimentel sa budget deliberation na tanggalin na ang intelligence fund ng OP dahil wala naman sa mandato nito ang mangalap ng intelligence information.
Hindi naman tutol ang senador sa confidential fund ng pangulo pero nais naman niyang gawing makatwiran ang alokasyong ito.
Samantala, kinumpirma naman ni Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara na in-adopt nila sa 2024 GAB ang inirekomendang special provision ni Senator Risa Hontiveros kung saan ipinagbabawal ang paggamit sa contingent fund para i-augment ang CIF ng ilang civilian government agencies.
Mababatid na noong 2022, P125 million na contingent fund sa tanggapan ng pangulo ang inilipat sa confidential fund ni Vice President Sara Duterte.