Isinasapinal na ng Department of Science and Technology (DOST) at Chinese partners nito ang confidentiality data agreements.
Ito ay para sa pagbibigay ng preliminary data ng kanilang vaccine candidates na dadaan sa review ng Vaccine Expert Panel para sa posibleng COVID-19 clinical trials sa bansa.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña, ang Pilipinas ay makikipag-collaborate sa Adimmune Corporation; Academia Sinica; Chinese Academy of Science – Guangzhou Institute of Biomedicine and Health at SinoPharma – Wuhan Institute of Biological Products at ang Beijing Institute.
Ang mga collaborating organizations ay bibigyan ng World Health Organization (WHO) requirements para sa COVID-19 vaccine target profiles, pre-qualification process para sa WHO approvals at updated guidelines ng Food and Drug Administration (FDA) sa clinical trials.
Nire-require din dito ang study sites o mga lugar kung saan isasagawa ang trials at mga researchers na isasama rito.
Kapag natapos ang clinical trials, magiging bahagi ito ng requirements para sa vaccine registration process ng FDA para sa pag-iisyu ng Certificate of Product Registration (CPR) para sa market release sa Pilipinas.
Nagkakaroon ng diskusyon sa iba’t ibang vaccine manufacturers sa India, Japan, Canada, Russia at Estados Unidos.
Ang local vaccine manufacturing at ang vaccine development plans ay tinalakay ng Technical Advisory Group (TAG).
Ang main trial sites ay Philippine General Hospital, Research Institute for Tropical Medicine at Manila Doctors Hospital.
Nitong Mayo, ang partisipasyon sa clinical trials para sa COVID-19 vaccines ay inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung saan kabilang ang mga partner mula sa China.