Manila, Philippines – Hindi muna nagdesisyon ang Commission on Appointments o CA Committee on Agrarian Reform sa hinihiling na kumpirmasyon sa appointment ni Secretary Rafael Ka Paeng Mariano sa Department of Agrarian Reform.
Ayon kay Senator Tito Sotto III na siyang chairman ng nabanggit na CA committee, ipagpapatuloy sa susunod na Martes ang pagdinig sa siyam mula sa sampung oppositors ni Mariano.
Isang oppositor lang kasi ang nabigyan ng pagkakataon na magsalita sa pagdinig ngayong araw.
Ito ay ang pamilya Gallego na nag-akusang pinayagan ni Mariano na iligal na pasukin ng mahigit apatnaraang mga magsasaka ang kanilang lupain noong October 2016.
Sabi naman ni Secretary Mariano, wala siyang kaba sa muling pagsalang niya sa CA hearing sa susunod na linggo dahil naniniwala siya na nagagampanan naman niya ng mabuti ang tungkulin na ipinagkatiwala sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, lusot naman sa Commission on Appointments ang promotion ng apat na flag at senior officers ng Armed Forces of the Philippines.
Kinabibilangan ito nina Major General Arnel Duco, Brigadier General Fidel Igmedio Cruz Jr., Lieutenant General Rafael Valencia at Major General Casiano Monilla.