Congressman Arnolfo Teves, humingi ng tulong kay Pangulong Marcos kaugnay sa pagbawi sa lisensya ng kanyang baril

Idinaing ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang aniya’y hindi makatwirang pagbawi ng Philippine National Police-Firearms and Explosive Office o PNP-FEO sa lisensya ng kanyang baril.

Sa isang open letter na binasa sa kanyang privilege speech ay naglabas ng sama ng loob si Teves sa katwiran ng PNP-FEO na kwestyunable at huwad ang kanyang mga dokumento na ginamit sa pagkuha ng License to Own and Possess Firearms.

Punto ni Teves, kung huwad ang mga dokumento niya, ay bakit siya binigyan ng lisensya at bakit siya nakabili ng mga baril mula sa lehitimong supplier.


Binanggit pa ni Teves na ang dokumento na “uploaded” ng National Police Clearance ay hindi sa kanya, kundi sa kanyang anak.

Bunsod nito ay iginiit ni Teves na maibalik ang lisensya ng mga armas niya dahil wala naman siyang ginawang masama.

Dagdag pa ni Teves, dapat din ay magkaroon ng isang “motu proprio investigation” dahil hindi lang sya ang nakaranas nito na patunay din ng kahinaan sa sistema ng PNP sa pagpaparehistro ng baril.

Ayon kay Teves, kilala niya si Pangulong Marcos na mahigpit na nagsusulong ng rule of law sa lahat ng antas ng gobyerno kaya sya ay umaasa na maitatama ng pangulo ang nangyari sa kanya bago pa ito lumala at makaapekto sa admistrasyon.
######

Facebook Comments