Cauayan City, Isabela- Isinusulong ngayon ng bagitong kongresista ng 6th District of Isabela ang House Bill No. 47 o ang Pagpapaliban ng Halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan upang mapalawig pa ang kanilang tungkulin sa kanilang nasasakupan mula sa orihinal na dalawang taon ay magiging limang taon na ito sakaling maaprubahan sa kamara.
Ito ang ipinahayag ni Congressman Dy bilang panauhing pandangal sa ginanap na Oath Taking Ceremony ng mga halal na opisyal sa Lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Congressman Faustino “INNO” Dy V, batid nito ang malaking gastos kung sakaling matuloy ang nakatakdang halalang pambarangay sa darating na taong 2020 at isang dahilan din aniya ay ang hindi pa matapos tapos na isinasagawang pagsasanay ng mga opisyal ng barangay gayundin din ang ilan sa mga SK Chairperson na hindi pa nakakapaglabas ng pondo.
Dagdag pa ng kongresista na ito ay bahagi ng kanyang ipinangako noong siya pa ay National President ng Liga ng mga Barangay at isa rin aniya itong nais ni Senator Bong Go nang kausapin ng bagitong kongresista.
Sakaling maipasa ang resolusyon sa pagpapaliban sa halalang pambarangay ay sunod na isusulong ng kongresista ang panukalang batas na naglalayong malibre na ang pagkuha ng ‘Medico Legal’ sa mga taong naabuso na walang kakayahang magbayad ng nasabing dokumento.
Batid pa ni Congressman Dy na hindi sukatan ang edad para pagsilbihan ang taong bayan bilang bagitong kongresista ng ika-anim na distrito ng Isabela.
Nagpasalamat naman ang kongresista sa pagbibigay sa kanya ng oportunidad upang paglingkuran ang taong bayan sa 6th District ng Isabela.