Manila, Philippines – Binisita at kinumusta ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ang mga naarestong miyembro ng Kadamay at ilang residente ng Barangay Sta. Lucia, Floodway, East Bank Road, Pasig City na nakapiit ngayon sa Eastern Police District (EPD) headquarters.
Ang mga ito ay isinailalim sa inquest proceedings makaraang ipagharap ng patung-patong na kaso ng EPD matapos magbarikada kahapon at nauwi sa marahas na dispersal.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa kanila ang direct assault, physical injuries, damage to properties, illegal assembly, resistance & disobedience to an agent of a person in authority.
Tinawag namang “madugo at marahas na dispersal” ni Zarate ang nangyari kahapon dahil 31 mga residente at myembro ng kadamay ang pinagdadampot at kinasuhan kabilang ang 10 menor de edad.
Paliwanag ni Zarate, nais lamang nilang protektahan ang lupa’t bahay na kanilang tinitiran ng 40 taon na.
Kinausap din nito ang mga residente ng Floodway at sinabing dapat papanatilihin ang kaayusan at ang pagiging kalmado upang hindi na maulit pang muli ang nangyaring insidente kahapon.