Construction Worker na Umano’y Nang-abuso ng Dalagita, Arestado

32

Cauayan City, Isabela- Arestado ng mga tauhan ng PNP Cauayan City ang isang construction worker na itinuturing na Top 10 most wanted person sa lungsod ng Cauayan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa Cauayan City Police station, kinilala ang suspek na si Marvin Salgado, 26 taong gulang, may asawa at residente ng Purok 6 Brgy. Sta. Luciana, Cauayan City, Isabela.

Inaresto ng mga otoridad si Salgado pasado alas dose ng tanghali kahapon, Disyembre 2, 2021 sa Purok 3 Sta Luciana sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni hukom Ariel Palce ng RTC Branch 40, Cauayan City, Isabela dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Anti Child Abuse Law.


Sa kasalukuyan, nakakulong sa lock-up cell ng pulisya si Salgado at siya ay pansamantalang makakalaya kung makakapag piyansa ng halagang P180,000 pesos.

Samantala, itinanggi ni Salgado ang nasabing kaso na inabuso umano nito ang 14 taong gulang na pamangkin doon sa kanilang mismong lugar kung kaya’t nabigla na lamang umano ang suspek nang siya ay puntahan at silbihan ng mandamiento de aresto.

Iginiit ng suspek na walang katotohanan sa paratang ng mga magulang ng biktima na nangyari umano noong buwan ng Pebrero ngayong taon.



Facebook Comments