*Cauayan City, Isabela*- Nakatakdang sampahan ng kasong Recklesss Imprudence resulting in Homicide and Damage to Property ang drayber ng isang mini elf truck na aksidenteng nakasagasa sa isang construction worker lulan ng kanyang motorsiklo bandang alas 8:45 kagabi sa Brgy. Santa. Tumauini, Isabela.
Nakilala ang biktima na si Allan Lorenzo, 28 anyos, Construction Worker at residente ng Brgy. Sindon Bayabo habang kinilala ang suspek ng elf truck na si Jayson Galiza, 44 anyos, magsasaka at residente ng Brgy. Siffu na kapwa taga- Lungsod ng Ilagan.
Ayon kay PMSg. Rodel Pagulayan, Imbestigador ng PNP Tumauini, lumalabas sa imbestigasyon na papauwi na sana ang biktima sa kanilang bahay ng aksidenteng mabangga ng elf truck na pumailalim sa harapang bahagi ng gulong ng nasabing sasakyan ang biktima.
Ilan pang sandali ay hindi rin napansin ng paparating na SUV na minamaneho ni P/Capt. Efren Padua, 49 anyos, residente ng Brgy. Cabaritan West, Ballesteros, Cagayan at miyembro ng Isabela Police Mobile Service ang ilang nakaparadang sasakyan gaya ng motorsiklo pagmamay-ari ni John Isaac Mariano, 31 anyos, LGU Employee, may asawa at residente ng Brgy. Centro Poblacion, Peñablanca, Cagayan at isang pampasaherong tricycle na pagmamay-ari naman ni Bernard Balingao, 51 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Lanna, Tumauini, Isabela kung kaya’t aksidente nitong nabangga.
Agad naman na dinala sa pagamutan ang mga biktima ngunit maswerteng galos lang ang tinamo ng mga ito maliban kay Lorenzo na nagkaroon ng matinding tama sa ulo at leeg na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na ugaliing maging maingat at alerto sa posibleng aksidente.