Construction Worker, Patay Matapos Saksakin ng Kainuman!

Cordon, Isabela – Patay ang isang construction worker matapos na sinaksak ng kainuman sa mismong construction building na kanilang pinagtratrabahuan sa Brgy. Quezon, Cordon, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Willy Fernandez, apatnapu’t apat na taong gulang, may asawa, isang karpentero, at residente ng San Francisco, Aglipay, Quirino, samantala ang suspek ay kinilala na si Nolie Santiago Sapadin, apatnapu’t apat na taong gulang, trabahador at residente ng Brgy. Cabatacan, Lasam, Cagayan.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad, bigla na lamang umano sinaksak ng suspek ang biktima sa tiyan matapos nilang nag-inuman at tumakbo ang suspek sa hindi malamang direksyon.


Isinugod sa isang pagamutan ang biktima para sa karampatang lunas ngunit dead on arrival na ito samantalang kaagad na naaresto si Sapadin matapos ang isinagawang follow up at hot pursuit operation ng mga otoridad.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek para sa karagdagang imbestigasyon kung saan ay nakuha sa pag-iingat nito ang isang pakete ng dried marijuana.

Sa ngayon ay mahaharap ang suspek sa kasong Homicide at paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments