Construction worker sa Aklan, arestado sa alok umano na P100M sa papatay kay Duterte

PHOTO: Malay PS Masaligan

Inaresto ang isang construction worker sa Aklan nitong Martes matapos umanong mag-post sa social media ng P100 milyon na pabuya kapalit ng buhay ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Malay police, umaga nang makatanggap umano sila ng impormasyon sa post ng suspek na kinilalang si Ronald Quiboyen, 40-anyos.

Nakasaad umano sa naturang post na, “‘Yong 50-milyon nyo doblihin ko, gawin kung 100milyon kung sino makapatay kay Duterte. Andito ako ngayon sa Boracay.”


Dinakip ng pulisya si Quiboyen, alas-7 ng gabi sa Sitio Hagdan sa Barangay Yapak, at dinitena sa Malay police station.

Inihahanda na ang kasong paglabag umano sa Article 142 of the Revised Penal Code o Inciting to Sedition laban sa suspek.

Nitong Lunes lang, dinakip din si Ronnel Andamas, guro sa Pangasinan, matapos umanong mag-post sa Twitter ng alok na P50 milyon pabuya sa papatay kay Duterte.

Facebook Comments