Isang araw matapos ang pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno, agad na nagpulong ang Metro Manila Council kaugnay sa mga pangambang magdulot ng COVID-19 surge ang nasabing religious event.
Kasunod na rin ito ng babala ng mga eksperto na posibleng magkaroon ng “super-spreader event” dahil sa taunang traslacion kung saan halos nasa kalahating milyong deboto ang nakilahok.
Kabilang sa mga pinag-usapang ng mga Metro Manila Mayors ay ang contact tracing sa mga debotong dumalo at magsagawa ng mandatory COVID-19 test para sa mga makikitaan ng sintomas ng virus.
Bunsod nito, agad na ipinag-utos nina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang paghahanap sa kanilang mga residente na dumalo sa pista ng Itim na Puong Nazareno.
Mas pina-igting naman ng San Juan City Local Government ang pagmo-monitor sa kanilang mga residente.
Una nang binigyan diin ni Manila Mayor Isko Moreno na sumunod sa health protocols ang nasa 400,000 na deboto sa dumalo sa naturang religious event.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Dr. Anna Ong-Lim, miyembro ng Technical Working Group ng Department of Health ang mga dumalong deboto na mag-self quarantine muna ng 14-days at huwag gumala-gala upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.