Aminado si Contact Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nananatiling weakest link pagdating sa COVID-19 response pillars ang contact tracing.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Magalong na nananatiling mababa ang contact tracing efficiency ratio ng bansa.
Kasunod nito sinabi ni Magalong na patuloy nilang tinututukan ang Local Government Units (LGU) dahil primarily responsibility nila ang pagsasagawa at pagpapaigting ng contact tracing.
Samantala, upang lalo pang mapaigting ang contact tracing efforts ng pamahalaan ay isasalang sa re-training ang nasa 249,000 na mga contact tracer kung saan ang limang libong mga bagong recruit sa ilalim ng DOLE TUPAD Program ay ide-deploy sa Metro Manila na episentro ng virus.
Kaugnay nito, sinabi ni Magalong na ibinaba na nila sa Inter-Agency Task Force (IATF) at National Task Force (NTF) ang contact tracing efficiency ratio standard ng bansa na mula sa dating 1:37 na ngayon ay 1:15 na lamang.
Giit ni Magalong hindi talaga kaya na makamit ang 1:37 contact tracing ratio pero naniniwala itong malaki pa rin ang maitutulong ng 1:15 contact tracing standard basta’t mabilis at accurate lamang ang isasagawang pag-contact trace.