Magsasagawa ngayong araw ng contact tracing at testing ang Quezon City Local Government sa isang komunidad sa loob ng Riverside sa Brgy. Commonwealth.
Ito’y matapos magpositibo sa COVID-19 UK variant ang 35-taong gulang na lalaki na naka-quarantine sa apartment kasama ang isa pang indibidwal.
Ililipat na rin sila ngayong araw sa Hope Quarantine Facility sa lungsod.
Tinukoy ng Department of Health (DOH) ang lalaking nagmula sa Liloan, Cebu bilang ika-8 na UK variant case na kinunan ng sample noong Enero 17.
Dating overseas Filipino worker ito mula sa Korea na bumalik sa Pilipinas noong Agosto 2020 at nanatili sa Cebu. Nobyembre 17 nang lumipat siya sa Sucat, Paranaque.
Nalaman lang na nagpositibo ito sa COVID-19 nang magpa- swab test sa Pasay City at kinumpirma ng Philippine Genome Center na tinamaan ito ng UK variant ng COVID-19.