Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay DA Regional Executive Director Narciso Edillo, kanyang sinabi na nitong nakaraang Linggo, mula sa 300 na paitluging manok sa isang isolated na backyard layers sa nasabing barangay ay 200 rito ang biglang sabay-sabay na namatay habang ang natitirang 100 ay agad na ibinenta ng may-ari doon din mismo sa naturang barangay.
Dahil sa pagkapeste ng mga manok ay isinailalim sa pagsusuri ang kanilang blood sample sa Integrated Laboratory ng DA sa Tuguegarao City na kung saan nakumpirma na positibo sa Avian Flu ang mga napesteng manok.
Kaugnay nito, ay magtutulong tulong ang mga kawani ng DA Region 2, Cauayan City Veterinary Office at Provincial Veterinary Office para sa pagbabahay-bahay sa naturang barangay upang sa ganon ay makuhanan ng blood samples ang mga makikitang alagang manok o basta kabilang sa poultry tulad na lamang ng pato, pugo, at pabo at ipapasuri naman ang blood sample sa kanilang laboratoryo sa Tuguegarao City.
Oras aniya na may makitaan ng Avian flu sa mga ipapasuring blood sample ng mga manok ay mapipilitan ang DA na papatayin lahat ang mga alagang poultry basta nasa isang kilometro mula sa apektadong backyard layers o paitlugan ng manok.
Naniniwala rin si Edillo na posibleng kumalat ang Avian Flu sa lugar na malapit sa mismong apektadong paitlugan ng mga manok dahil mayroon na aniyang naiulat na mga namatay din na native chicken bagay na lalong ikinaalarma ng nasabing ahensya.
Kaugnay nito, naka kordon na ang brgy Marabulig uno at magsasagawa rin ng disinfection sa apektadong lugar para mapigilan ang posibleng pagkalat ng Avian flu o peste sa manok sa kalunsuran. Ayon pa kay Edillo, nanghinayang raw yung may ari ng manok kaya agad na ibinenta ang natitirang isang daan bago pa mamatay o dapuan rin ng sakit ng manok.
Hindi rin umano alam nitong apektadong may ari ng manok na tinamaan pala ng virus ang kanyang mga alagang manok kaya nagawa nitong maibenta ang mga natirang buhay na manok.
Inihayag pa ni RD Edillo na hindi normal ang naturang sabay sabay na pagkamatay ng mga manok at ang nakakatakot pa aniya rito ay pwedeng makahawa sa tao ang Avian Influenza virus.
Samantala, tututukan ni Cauayan City Mayor Bernard Dy ang nasabing sakit na kauna-unahang naitala sa buong rehiyon dos upang sa ganon ay hindi na lalong kumalat pa sa kalunsuran.