Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan ang maigting na contact tracing sa mga nakasalamuha ng isang byahero na nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng Echague, Isabela.
Sa anunsyo ni Mayor Kiko Dy, isinailalim sa lockdown ang lugar ng nagpositibo sa barangay Malibago para sa contact tracing dahil napag-alaman na maraming lugar ang napuntahan ng nagpositibo na maituturing na asymptomatic o walang naramdamang sintomas ng COVID-19.
Nabatid na nagtungo ito sa simbahan, dumalo sa birthday party at sa iba pang lugar kaya’t maigting ngayon ang pagtukoy ng mga contact tracers sa mga nakasalamuha upang hindi na lalong kumalat ang COVID-19.
Samantala, nagpositibo rin sa COVID-19 ang isang kapamilya ni Mayor Kiko Dy na kasalukuyang naka strict quarantine.
Maging ang alkalde at anak nito ay isinailalim sa swab test matapos makahalubilo ang nagpositibong kamag-anak at lumabas ang kanilang resulta na sila’y negatibo sa covid-19.
Gayunman, sasailalim pa rin sa quarantine ang alkalde at muling magpapaswab test pagkatapos ng pitong (7) araw.