Container van na naglalaman ng meat balls mula China, nasabat

Pinigil ng mga quarantine officers ng Department of Agriculture (DA) ang isang refrigerated container van sa Port of Subic.

Ito ay naglalaman ng meat balls na galing sa China na isa sa mga bansang infected ng African swine fever (ASF).

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, itinago sa kahon-kahong cargo ng mga fish tofu ang nabanggit na ‘meat balls’.


Sa report ni Dr. Romeo Manalili ng Veterinary Quarantine Station ng DA-Bureau of Animal Industry (BAI) sa Subic, agad nagduda ang mga quarantine officers sa dumaong na kargamento matapos mapansing 18° Celsius ang temperatura ng van na idineklarang naglalaman ng mga fish tofu.

Ang 18° Celsius ay cooling level lamang para sa mga meat products.

Una nang inalerto ng DA, ang Bureau of Customs (BOC) at iba pang ahensya ng gobyerno kasunod ng pag-atake ng mapaminsalang ‘ASF virus’ sa mga babuyan sa 17 mga bansa.

Dahil dito umaapela na si Secretary Piñol sa publiko na ipagbigay-alam sa DA-BAI o kaya ay sa Food and Drug Administration (FDA) ang mga impormasyon sa mga binebenta o ipinupuslit na karne o produkto mula sa baboy na galing sa China, Hong Kong, Vietnam, Cambodia at iba pa.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na ipasok sa mga pantalan maging sa mga paliparan ang mga de-lata gaya ng ma-ling at iba pang pork canned goods na posibleng mula sa mga baboy na ‘ASF-infected’.

Facebook Comments