Dumulog sa korte ang mga commercial deep-sea fishing companies upang kasuhan ng contempt ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at National Telecommunications Commission (NTC) sa kanilang “willful disregard” o hindi pagsunod sa order ng korte na nagpapawalang-bisa at nagpapatigil sa implementasyon ng Fisheries Administrative Order (FAO 266) na labag sa saligang batas sang-ayon sa inilabas na desisyon ng Regional Trial Court (RTC) Malabon City.
Sa isang petisyon para sa indirect contempt at injunction, sinabi ng mga fishing companies sa RTC na nagbanta ang national director ng BFAR na mag-isyu ng notice of violation at inirekomenda pa nito na hindi sila mabigyan ng mga lisensya at iba pang dokumento na kailangan sa kanilang operasyon.
Sinabi nila sa RTC na ang ginawang pagbabanta ng BFAR ay magdudulot sa kanila ng “grave and irreparable injury” at iba pang mga paglabag sa kanilang “constitutional right to due process”.
Ang FAO 266 ay nag-aatas sa mga kompanya na magpakabit ng VMS-100 transreceivers sa kanilang mga barko kung saan sila ay natatrack sa kanilang mga operasyon sa ‘domestic waters’, ‘high seas’ pati na rin sa ‘distant waters’.
Ayon sa BFAR, nilalayon ng nasabing administrative order na mapaigting ang kampanya laban sa illegal at unregulated fishing.
Dumepensa ang mga fishing companies na ang implementasyon ng nasabing vessel monitoring measures at electronic reporting system ay magdudulot ng mga paglabag sa kanila mga constitutional rights to privacy at unlawful searches.
Dagdag pa ng mga ito, ang VMS ay katulad ng global positioning system o GPS device kung kaya maibubunyag nito ang mga sensitibong impormasyon tungkol sa mga fishing grounds ng mga kompanya na kanilang inaral at pinagkadalubhaasan sa loob ng maraming taon. Kung mabunyag at kumalat aniya ang kanilang mga trade secrets kagaya sa fishing grounds ay napakalaki ng kanilang ikalulugi at masisira rin ang kanilang mga operasyon.
Lumapit na sa Office of the Solicitor General ang BFAR at NTC upang mapawalang-bisa sa Korte Suprema ang order ng RTC.
Sa kasalukuyan ay wala pang desisyong ibinababa ang Korte Suprema kung kaya’t epektibo pa rin ang permanent injunction order ng RTC ukol sa FAO 266 na ipinawalang bisa nito (null and void) dahil nilalabag nito ang saligang batas.
Sa isinulat na petisyon ng mga fishing operators, sinabi nila na: “Despite the permanent injunction and the lack of a suspending, modifying, or staying order coming from the trial court or the Supreme Court, respondent Eduardo B. Gongona sent petitioners substantially similar letters dated June 21, 2021 threatening sanctions in the event that the petitioners fail to comply with the respondent’s directive therein.”
Hiniling rin nila muli sa korte na mag-isyu ng writ of preliminary injunctions laban sa BFAR, NTC at kanilang mga tauhan at atasan silang sumunod sa June 1, 2021 na desisyon ng RTC dahil hindi pa naman ito isinasantabi o iniiba ng Korte Suprema.