Mayroong sapat na pondo ang pamahalaan para mapondohan ang contingency at repatriation ng mga Pilipinong nakatira at nagtatrabaho sa Taiwan.
Ayon kay Senator Jinggoy Estrada, 2/3 sa kabuuang pondo ng bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW) o katumbas ng P10.6 billion ay inilaan para sa Emergency Repatriation Program ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Iginiit ni Estrada na ito ay sapat na para matustusan ang repatriation ng humigit kumulang 200,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na kasalukuyang nasa Taiwan.
Mahalaga aniyang maging maagap ang pamahalaan na mayroong nakahanda na contingency plans para sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho hindi lamang sa Taiwan kundi maging sa ibang bahagi ng mundo na mangangailangan ng agarang evacuation.
Punto pa ni Estrada, mahalagang gawin lahat ng gobyerno ang lahat ng paraan para matiyak ang kaligtasan ng ating mga OFW.
Bagama’t nilinaw na ng Chinese Embassy na misquoted lamang si Chinese Ambassador Huang Xilian nang sabihin nito na tutulan ng Pilipinas ang independence ng Taiwan kung may concern ang bansa sa mga OFW, iginiit ng mambabatas na dapat pa ring ikonsidera ng lahat ng ahensya ang paglalatag ng strategic plans upang handa tayo sa mga hindi inaasahang pangyayari.