Contingent at intelligence fund ng Pangulo, pwedeng gamiting kompensasyon at pantulong sa mga mahihirap

Iminungkahi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa pamahalaan na gamiting kompensasyon para sa mga health worker na naapektuhan ng COVID-19 at pantulong sa mga mahihirap na pamilya ang ₱13 billion contingent fund at ang ₱4.5 billion na confidential at intelligence fund ng Pangulo.

Suhestyon ito ni Drilon sa harap ng pagkawala ng tulong na matatanggap ng mga health worker na tinamaan ng COVID-19 dahil sa pagtatapos ng bisa ng Bayanihan to Health as One Act.

Giit ni Drilon, kahit wala na ang Bayanihan Law ay kaya pa rin ng Pangulo na magbigay ng compensation sa frontline health workers mula sa contingent fund o intelligence fund nito.


Nauna ring binanggit ni Drilon ang pananatili sa kapangyarihan ng Pangulo na mag-realign o maglipat-lipat ng pondo sa Executive Branch para patuloy na matugunan ang krisis dulot ng COVID-19.

Binanggit din ni Drilon na kahit wala na ang Bayanihan Law ay dapat pa ring agad ibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ikalawang ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) dahil nailabas na ang pondo nito.

Iginiit din ni Drilon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang patuloy na pagbalikat sa hospitalisasyon ng frontline medical workers kahit tapos na ang pag-iral ng Bayanihan Law.

Facebook Comments