Mabilis na nakalusot sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukala para sa “mandatory continuing benefits” ng mga health workers at barangay health workers tuwing may “public health emergency” tulad ng COVID-19 pandemic.
Sa inaprubahang House Bill 10701 ay isinusulong ang kapakanan ng mga healthcare workers sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng nararapat at tuloy-tuloy na mga benepisyo upang matiyak na tuloy-tuloy rin ang paghahatid ng serbisyo sa publiko at mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Ibinalik sa panukala ang mga benepisyo na inilatag ng Bayan Muna sa amyenda tulad ng life insurance, meal, accommodation at transportation allowance.
Kapag naging ganap na batas, kabilang sa inaasahang matatanggap na benepisyo ng healthcare workers ay ang buwanang Special Risk Allowance o SRA, na nakabase sa “risk exposure categories.”
Nakasaad na maaaring itaas ng Department of Health (DOH) ang allowance “subject” sa pag-apruba ng Pangulo at konsultasyon sa Budget Department.
Kapag nasawi ang frontliner, ang kanyang pamilya ay makakatanggap ng P1 million; P100,000 ang makukuha ng healthcare worker na tinamaan ng severe o critical na kaso at P15,000 naman kapag mild o moderate ang kaso.
Target naman ng Kamara na pagtibayin ang panukala bago mag-session break sa Pebrero.