Contractor ng Capitol Building ng N. Vizcaya, Tinawag na ‘Peke’ ng Bise-Gobernador

Cauayan City, Isabela- Binanatan ni Nueva Vizcaya Vice-Governor Jose ‘Tam-An’ Tomas Sr. ang tinawag nitong ‘fake contractor’ na nanalo para magsaayos ng ilang bahagi ng Capitol Building Project.

Tinutukoy rito ng opisyal ang Sharysu Builders & Marketing na sinasabing may kakulangan sa legalidad gaya ng lisensya, accreditation at ang mabagal nitong konstruksyon sa naturang building.

Ayon kay Vice-Governor Tomas, batay sa report ng Commission on Audit (COA) sinasabing tapos na sa higit isang (1) taon mula sa completion date nito subalit marami ang nakitang kakulangan ng inspeksyunin ang nasabing bagong establisyimento.


Base sa ocular inspection and technical evaluation of the improvement/expansion of the Capitol Building Phase 1, may dagdag na liquidated damages na nagkakahalaga ng P1.2 million ang hindi umano naipataw sa contractor na nagkaroon ng pagkaantala sa pagkumpleto ng infrastructure project contrary na nakapaloob sa Section 8 of Annex ‘E’ ng Revised IRR of RA No. 9184 (Government Procurement Law).

Ang kabuuang liquidated damages ay P1,861,343.44 o 11.08% mula sa contract price at dapat ay awtomatiko itong kukunin ng Provincial Government at ibibigay sa kwalipikadong contractor sa pamamagitan ng negosasyon at pagpapataw ng kaukulang aksyon.

Subalit, nabatid na sa Phase 2 ng nasabing proyekto ay naibigay pa rin ito sa parehong contractor na Sharysu Builders.

Maliban sa Capitol Building, dalawa pang proyekto ng Provincial Government ang inaasahang gagawin at ito ang Convention Center at Lower Magat Eco-tourism Park Conference Hall/Center.

Kaugnay nito, pinatutsadahan muli ng opisyal ang Sharysu Builders na “fake contractor,” kung saan nakitaan ito ng kawalan ng sertipikasyon mula sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) registration at Philippine Government Electronic Procurement System (PHILGEPS) accreditation, ang kinakailangan na mayroon ang isang contractor bago igawad ang isang proyekto ng gobyerno.

Napag-alaman rin na ang PCAB certification ng Sharysu Builders & Marketing ay hindi na na-renew at natanggal sa listahan simula pa noong July 1,2007.

Batay naman sa PHILGEPS statement, hindi umano sila nagbibigay ng Certificate of Registration para sa Red Members at ang registration status ng kumpanya ay kanselado dahil ang kanilang business name ay kabilang na sa BLACKLISTED ENTITIES.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni Vice Governor Tam-an na hindi sya namumulitika dahil hangad lang nya ang maibulgar ang katotohanan.

Nabatid na taong 2015 ng simulan ang konstruksyon ng nasabing proyekto.

Facebook Comments