Cauayan City, Isabela- Ipinagdiriwang ngayon ang ika-33 taong anibersaryo ng Cordillera Administrative Region (CAR) na may temang ‘One Resilient Cordillera, Embracing the New Normal Situation Towards Growth and Development’ na ginanap sa Probinsya ng Benguet.
Pinagunahan ni Agriculture Secretary William Dar ang seremonya bilang guest of honor at speaker.
Ayon kay Chairman Mailed Molina, Cordillera People’s Liberator Army, matagal na nilang hinihiling na maibalik sa kanila ang karapatan para maitaguyod ang awtonomiya sa mga cordillerans subalit tila mailap pa rin sa kanila ang sitwasyon.
Una na rin nilang napagkasunduan ang isang resolusyon na magbibigay sana sa kanilang karapatan ang masimulan at higit na mapaunawa ang halaga ng pagiging isang awtonomiyang rehiyon gaya ng BARMM subalit wala pa ring tugon ang tanggapan ni Pangulong Duterte ukol dito.
Iginiit din nito na malaking bahagi ng pinagkukunan ng tubig ng ilang probinsya gaya ng Isabela, Pangasinan, Ilocos Norte maging ang Angat Dam at Ambuklao kaya’t sinasabi niya paano kung pagbayarin ng buwis ang mga ito sa Cordillera.
Bukod dito, may ilang grupo rin gaya ng Cordillera People’s Alliance (CPA) ang hindi naman pabor sa umano’y pekeng ‘democratic country’ kaya’t taliwas din umano sila sa pagiging autonomous region ng rehiyon ng Cordillera.
Matatandaang nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino ang EO no. 220 na nagtatakda na ang mga probinsya ng Abra, Benguet, Mountain Province at Baguio City mula Region I at probinsya ng Apayao, Ifugao and Kalinga mula Region II na maging isang bahagi ng CAR.
Sabay na nilagdaan noon ang peace agreement sa pagitan ng Philippine Government sa pamumuno ni dating Pangulong Cory Aquino at Cordillera Peoples Liberation Army (CPLA) sa katauhan naman ng dating rebel priest na si Conrado Balweg na idinaos sa Mount Data Hotel in Bauko, Mountain Province noong September 13, 1986.