Coronation Night ng Mutya ng Cauayan, Dadaluhan ni Venus Raj!

*Cauayan City, Isabela- *Nakatakdang dumalo si 2010 Miss Universe 4th runner-up *Venus Raj* para sa Grand Coronation Night ng Mutya ng Cauayan sa Abril 12, 2019 na gaganapin sa FL Dy Coliseum.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni City Mayor Bernard Dy sa 98.5 RMN Cauayan kung saan nauna nang inianunsyo na pangungunahan ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach ang Mutya ng Cauayan subalit nagpasabi anya ang beauty queen kahapon na hindi muna ito makakadalo sa naturang okasyon.

Kaugnay nito, naging matagumpay naman ang katatapos lamang na Gabi ng Kabataang Cauayeño noong Sabado na dinumog ng mga Cauayeño mula sa iba’t-ibang barangay at karatig lugar ng Lungsod ng Cauayan.


Pinarangalan sa nasabing aktibidad ng Youth Leadership Excellent Award ang mga kabataan mula sa iba’t-ibang paaralan na nagbibigay inspirasyon sa kanilang paaralan.

Ayon kay City Mayor Dy, nagsisilbi anyang inspirasyon ang pagbibigay ng parangal sa mga kabataan upang mamulat ang mga ito at mga kapwa kabataan hinggil sa mga aktibidades na maaaring gawin upang makatulong sa lipunan.

Samantala, mapapanood na rin bukas ang street dance parade at street dance showdown Competition na nilahukan ng iba’t-ibang barangay bilang bahagi pa rin sa Gawagaway-yan Festival ng Lungsod ng Cauayan.

Facebook Comments