
Iginiit ni dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez na falsification of legislative documents ang ginawa ng technical staff ng Senado at Kamara sa mga blangko sa Bicam report ng 2025 National Budget.
Reaksyon ito ni Alvarez sa sinabi ni House Appropriations Committee acting Chairperson at Marikina Representative Stella Quimbo na may mga blangko nga sa Bicam report ng General Appropriations Bill na pawang mga typographical errors lamang at inayos ng technical staff ng Kamara at Senado.
Giit ni Alvarez, hindi maituturing na ministerial lamang ang ginawa ng technical staff dahil krimen ang paglalagay ng amounts o figures sa mga blangko na yun.
Punto ni Alvarez, ang mga halaga na inilagay ng technical staff sa Bicam report ng budget ay hindi kasama sa inaprubahan sa plenaryo o niratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sabi ni Alvarez, inaaral nila ngayon ang nakakagulat at nakaka-eskandalo na bilyon-bilyong piso ng halaga na inilagay sa nasabing mga blangko sa Bicam report ng 2025 National Budget.