
Kinumpirma ng Philippine Ports Authority (PPA) na isang lalaking pasahero ang inaresto ng mga awtoridad makaraang makuhanan ng kahina-hinalang tube o pipe sa kaniyang pitaka.
Nakita ito nang sumailalim ang suspek sa routine X-ray screening sa Baseport Nasipit kung saan hinihinalang ginagamit ito sa paghithit ng ipinagbabawal na gamot.
Nakumpirma ito matapos makita ang mga mantsa at residue sa pipe at sa tulong din ng narcotic dog mula sa Philippine Coast Guard.
Ayon sa PPA, bagama’t walang natagpuang iligal na substance, kinumpiska ang paraphernalia at ipinadala ito sa PRO 13 Crime Laboratory para sa masusing pagsusuri.
Samantala, dahil menor de edad pa, agad itong dinala sa kustodiya ng kaniyang guardian kasunod na rin ng pakikipag-ugnayan ng Port Management Office – Agusan Port Police Division sa Municipal Social Welfare and Development ng Nasipit.