“Mag-ingat sa mga pekeng gamot”, ito ang paalala ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City sa mga residente ng lungsod.
Kamakailan kasi ay may mga nakumpiskang mga pekeng gamot na ibinibenta sa mega market ang city market administration at health personnel sa koordinasyon ng mga otoridad.
Ilan umano sa naturang mga gamot ay yaong nangangailangan ng prescription ng doktor subalit basta na lang ibinibenta sa palengke.
Napag-alaman din na ang mga nasamsam na gamot ay hindi aprubado ng Food and Drug Administration, ibig sabihin, magdudulot ito ng komplikasyon kaysa sa makakagamot.
Umaapela si Cotabato City Mayor Atty. Chynthia Guiani-Sayadi na huwag tangkilikin ang naturang mga produkto kahit na ba madali itong ma-access at mas mura.
Sinabi pa ni mayor Sayadi na kung kailangan ng tulong medikal, kaagad na tumungo sa city health office.
Kasabay nito, binalaan din ng alkalde ang mga taong nagbibenta ng mga pekeng gamot sa lungsod na labag sa batas ang kanilang ginagawa, kung nais anya ng mga ito na maghanap-buhay sa syudad dapat na kapaki-pakinabang sa lahat ang kanilang produkto at hindi malalagay sa kapahamakan ang kalusugan ng sino man.(photo credit:ATTY. Cyn IN ACTION)
Cotabato city government, pinag-iingat ang publiko sa pekeng mga gamot!
Facebook Comments