Councilor ng Puerto Galera at anak nito, patay sa pamamaril

Puerto Galera – Manila, Philippines – Patay ang isang konsehal at anak nitong lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay Tabinay, Puerto Galera, Oriental Mindoro alas- 3:30 ng hapon kanina

Kinilala ni Oriental Mindoro Police Provincial Director Sr. Supt. Christopher Birung ang mga biktima na sina Melchor Arago, 52-anyos, municipal councilor ng Puerto Galera, at anak nitong si Kenneth Arago, 15-anyos.

Aniya nasa loob ng nakaparadang sasakyan si Arago sa tapat ng kanyang bahay nang biglang dumating ang dalawang lalaking suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril siya.


Papatakas na sana ang mga suspek subalit nakitang papalabas ng bahay si Kenneth kung kaya binalikan ito at pinagbabaril din.

Kapwa agad na binawian ng buhay ang mag-ama dahil sa tinamong tama ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga tauhan ng Puerto Galera Municipal station para matukoy ang mga suspek at ang motibo sa pamamaril.

Facebook Comments