Court sheriff na nadawit sa katiwalian, sinibak ng SC

Manila, Philippines – Tinanggal ng Korte Suprema sa serbisyo ang isang court sheriff matapos na gamitin ang kanyang tungkulin sa katiwalian.

Sa pitong pahinang desisyon ng Supreme Court en banc, napatunayang guilty sa kasong grave misconduct si Sheriff 4 Manuel Gimeno ng Cebu City Regional Trial Court.

Ipinag-utos din ng Supreme Court (SC) ang pagbawi sa retirement benefits at iba pang benepisyo ni Gimeno maliban lamang sa kanyang accrued leave credits.


Nag-ugat ang reklamo laban kay Gimeno matapos magreklamo ang Rural Bank of Talisay (Cebu), Inc., nang tanggapin ni Gimeno ang halagang sampung libong piso para sa gastusin sa  publication ng notice of extrajudicial foreclosure sa isang pahayagan sa Cebu.

Binigyang diin ng SC na nilagay sa kahihiyan ng sheriff ang imahe ng hudikatura nang sirain nito ang tiwala ng complainant.

Hindi tinanggap ng SC ang katwiran ng sheriff, na sa loob ng 22 taon nito sa serbisyo, ngayon lang ito nasangkot sa nasabing akusasyon pero inamin nito na kanyang nagamit ang pera para ipambayad sa pagpapa-ospital ng kanyang may-sakit na ina.

Facebook Comments