Coverage standards ng PhilHealth, ipinapa-rationalize ng isang kongresista

Sinita ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang PhilHealth na i-rationalize o ayusin ang kanilang coverage standards.

Ito ay bunsod na rin ng pahayag ni PhilHealth Acting SVP Neri Santiago na hindi covered ng PhilHealth ang bills mula sa hospital-built tents dahil sa kawalan ng standards para sa ganitong bayarin.

Dahil dito, dismayado nang husto ang kongresista dahil hindi sagot ng PhilHealth ang bill o gastos sa triage care kabilang ang paglalagay ng tents sa labas ng mga ospital kung saan napag-alaman na ₱1,000 kada araw ang singil sa bawat pasyente.


Tahasang sinabi ng kongresista ang kawalan ng “common sense” at iginiit na hindi ito dapat ipasalo sa mga pasyente.

Paliwanag ni Salceda, ang mga tents ay extension ng mga ospital dahil hindi na kayang i-accommodate sa loob ng pagamutan ang mga pasyente pero nabibigyan naman sila ng karampatang pangangalaga kahit nasa labas ng gusali.

Giit ng mambabatas, nasa loob man ng hospital building o sa tent ang isang pasyente ay wala itong pinag-iba.

Mas lalo lamang aniyang nadaragdagan ang dahilan para hindi na magpa-ospital ang mga tao at nalalagay sa alanganin ang COVID-19 response ng pamahalaan.

Facebook Comments