COVID-19 antigen testing, hiniling na gawing available na sa publiko

Nanawagan si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na gawing available na sa publiko ang COVID-19 antigen testing.

Sa briefing ng House Committee on Trade and Industry, iginiit ni Lopez na ngayong magdadalawang taon na ang pandemya ay magkaroon na sana ng access ang mga tao sa naturang test.

Kung magiging available aniya ang COVID-19 antigen test sa publiko ay makatutulong ito para masuri ang sarili laban sa virus at maprotektahan ang iba na mahawa sa sakit.


Inihalimbawa ng kalihim na sa ibang bansa ay available na sa drugstores ang antigen testing.

Tiwala naman si Lopez na unti-unting nalalagpasan na ng bansa ang epekto ng pandemya.

Mas kumpyansa aniya ang publiko at mga negosyo ngayong mas mababa ang kaso ng sakit at tumataas na ang vaccination rate sa maraming lugar sa bansa.

Bukod dito, umaasa ang Secretary na sa hinaharap ay magiging parang ordinaryong flu na lamang ang COVID-19 dahil sa bakuna at mga gamot na nade-develop ngayon para labanan ang sakit.

Facebook Comments