Nakatutok ang law-enforcement authorities sa banta ng COVID-19 kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, wala silang namo-monitor na anumang banta sa seguridad para sa taunang event.
Pero sinabi ni Eleazar na nananatiling hamon at banta ang coronavirus.
Ipinunto rin ni Eleazar na hindi hinihikayat ang pagsasagawa ng mass gatherings dahil maaaring makaambag lamang ito sa pagkalat ng sakit.
Ang Quezon City Police District (QCPD) ay hindi nag-isyu ng anumang permit para sa mass gathering, pero patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga magsasagawa ng kilos protesta.
Nasa 5,400 PNP personnel ang ide-deploy sa Quezon City.
Mayroon ding 1,900 additional personnel mula sa iba’t ibang ahensya gaya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Babala naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Debold Sinas na aarestuhin nila ang sinumang protester kapag nakagawa sila ng violation.