Nagbabala si Department of Health (DOH) Undersecretary Gerardo Bayugo na sa susunod na limang araw ay posibleng dumoble pa ang COVID-19 cases sa bansa partikular sa Metro Manila.
Sa virtual hearing ng House Committee on Metro Manila Development, napuna ang paglabas ng maraming tao ngayong isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang buong National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Bayugo na nasa 5.53 days ang case doubling time ng COVID-19 sa Metro Manila kaya naman asahan na sa susunod na limang araw ang 8,245 COVID-19 cases sa NCR ay dodoble pa ang numero.
Pero katwiran ni Bayugo na ito ay dahil pa rin sa patuloy na pagpasok ng mga resulta ng laboratory test ngayong Mayo na isinagawa sa suspected at probable COVID-19 cases.
Umabot na rin sa 7.41% ang case fatality rate sa bansa kung saan karamihan ng mga nasasawi sa virus ay nasa 60-69 age group.
Habang pinakamarami namang nagkakasakit ng COVID-19 ang nasa 20-39 age group na nasa 20%.