Nagbabala ang OCTA Research team na posibleng pumalo sa 470,000 hanggang 500,000 ang COVID-19 cases sa Pilipinas sa katapusan ng taon.
Ayon sa OCTA, bahagyang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong buwan at posible pa itong tumaas sa pagpasok ng kapaskuhan.
Tumaas ang reproduction number ng bansa sa 0.88 pero nananatili itong mas mababa sa critical level 1 para sa period na November 22 hanggang 28.
Pero kapag tumaas ito sa 1, ibig sabihin ay kumakalat ang virus.
Kasabay nito, ikinonsidera rin ng OCTA ang National Capital Region (NCR), Davao del Sur, Quezon, Negros Occidental, Pampanga, Bulacan, Misamis Oriental, at Western Samar sa ilalim ng areas of concern.
Habang ang Makati, Lucena, Batangas, Davao at Pagadian ay inilagay sa high-risk areas dahil sa pagsipa ng mga kaso at iba pang factors gaya ng hospital bed occupancy.
Giit ng OCTA, malinaw na ang pagsipa ng COVID-19 cases sa maraming lugar sa bansa ay dahil sa community transmission lalo’t mas marami nang tao ang nakakalabas ng bahay bunsod ng pagbubukas ng ekonomiya at bumababang compliance sa minimum health standard.
Dahil dito, inirekomenda ng OCTA sa pamahalaan ang pagpapanatili ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila hanggang sa katapusan ng Disyembre at magpatupad nang mas mahigpit na quarantine status sa ilang lugar na may mataas pa ring kaso.