Posibleng pumalo sa 715,000 ang COVID-19 cases sa bansa sa katapusan ng Marso.
Ito ang naging babala ng OCTA Research Team kasunod ng pagtaas sa 1.51 ng reproduction number ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR).
Malaki rin anila ang tiyansang umabot sa 15,000 ang kabuuang bilang ng nasawi sa bansa.
Kasabay nito, nakitaan din ng upward trend ang COVID-19 cases sa mga lungsod ng Pasay, Manila, Makati, Malabon at Navotas.
Habang kapansin-pansin din ang pagtaas ng bagong naitatalang kaso sa mga lungsod ng Quezon, Valenzuela, Caloocan, Taguig, Parañaque at Las Piñas.
Dahil dito, tumaas ng halos 6% ang positivity rate sa NCR batay na rin sa 18,000 PCR test kada araw sa nakalipas na 7 buwan.
Paliwanag ng OCTA, sakaling manatili sa 1.5 ang reproduction rate sa NCR, tataas sa 770 hanggang 2,200 ang kaso ng COVID-10 kada araw sa katapusan ng buwan.
Isa naman sa tinitignang dahilan sa pagsipa ng kaso sa NCR ay ang paglabas at pamamasyal ng publiko noong Valentine’s Day at Chinese New Year.