Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ang bahagyang pagbaba ng COVID-19 cases kahapon ay hindi nangangahulugan na natapos na ang peak ng mga kaso.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, hindi pa niya nakikita ang pagbaba ng mga kaso sa bansa o ‘yung downward trend.
Aniya, ang naitalang 28,007 na kaso ng COVID-19 kahapon ay dahil sa low testing output dahil sarado ang ilang mga laboratory.
Paliwanag ni Duque, nasa acceleration phase ang kaso ng COVID ang bansa.
“Kaya lang naman mababa ‘yan tandaan natin galing ‘yan sa Sunday testing output. Usually Sunday mababa and testing output, ‘yung iba sarado and of course ‘yung iba maraming nag-i-isolate dahil may symptoms, ‘yung iba na-quarantine dahil na-expose so this is not an indication that the peak is over,” ani Duque.
Kasabay nito, sinabi ni Duque na naobserbahan nila ang pagsirit ng COVID-19 cases sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila.
Maaari aniyang dahil sa Omicron variant ang pagtaas ng kaso sa mga rehiyon o ang holiday season kung saan nagtipon-tipon ang mga tao.
“NCR, Regions IV-A, III, now I think even Region I and II are also registering spikes in cases and that is why I call upon our regional directors of the Department of Health, the DILG, the local government units in these areas to ramp up, more aggressively, their vaccination of their citizens,” dagdag ni Duque.