Cauayan City, Isabela- Nananatiling kontrolado ng lokal na pamahalaan ng Ilagan City ang kaso ng COVID-19 virus.
Ito ay makaraang bahagyang tumaas ang bilang ng nagpositibo sa naturang sakit.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay G. Paul Bacungan, tagapagsalita ng LGU City of Ilagan, nasa 47 ang aktibong kaso sa lungsod batay na rin sa datos na inilabas ng Isabela Provincial Information Office.
Bukod dito, sarado na ang mga hotel nauna nang ginamit ng LGU sa mga sumasailalim sa quarantine habang ang nananatili na lang bukas ay ang mga ospital ng lungsod na kinabibilangan ng City of Ilagan Medical Center, San Antonio Hospital maging ang sikat na pasyalan na Ilagan Sanctuary ay pansamantalang inokupa ng mga pasyente.
Samantala, umabot naman sa mahigit 3,000 na kabataan ang mga nakatanggap na ng bakuna kontra COVID-19 bagama’t may iilan pa rin umanong indibidwal ang mga hindi pa nagpapabakuna kung kaya’t patuloy ang information drive sa publiko upang hikayatin ang mga ito na magpabakuna na.
Dagdag pa ni Bacungan, malapit ng maabot ang 70% na target population sa mga naturukan ng unang dose habang nasa mahigit 40% na ang fully-vaccinated.
Sa kabuuan, target na mabakunahan ng LGU ang nasa mahigit 100,000 ngayong Disyembre.
Magsasagawa naman ng tatlong araw na city-wide bakunahan ang lokal na pamahalaan.