Pumalo na sa 31 ang bilang ng mga empleyadong nagkasakit ng Coronavirus Disease sa Kamara.
Ayon kay House Secretary General Jose Luis Montales, ang una sa bagong dalawang kaso ay isang empleyado ng Human Resources Management Service.
Nakapasok pa ito sa trabaho noong July 22 at 23, 2020.
Sumailalim sa test ang empleyado noong July 31 matapos makaranas ng ubo, sipon, lagnat at pagkawala ng pang-amoy at panlasa sa pagkain.
Ang ikalawa naman sa nadagdag na kaso ay isang kawani ng Engineering Department.
Nagpositibo ito sa COVID-19 sa rapid test na isinagawa bago ang State of the Nation Address (SONA) at nagpositibo rin ito sa sumunod na Polymerase Chain Reaction (PCR) test.
Kasalukuyan ngayon ang contact tracing sa Mababang Kapulungan para sa mga nakahalubilo ng positive cases.
Nito lamang weekend ay kinumpirma ni Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman sa kaniyang facebook page na nagpositibo siya sa COVID-19.
Si Hataman ay pang-dalawampu’t siyam (29) na kaso sa mga nagpositibo sa sakit.