COVID-19 cases sa Navotas, tumaas ng 299% sa loob ng 2 linggo

Tumaas ng 299% ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 cases sa Navotas simula noong July 25 hanggang August 7.

Sabi ni Navotas Mayor Toby Tiangco, base ito sa report ng City Health Office.

Sa ngayon ay 909 ang active COVID-19 cases sa lungsod habang 10 household o kabahayan naman ang naka-lockdown dahil nagpositibo ang halos lahat ng mga miyembro ng kanilang pamilya.


Dahil dito ay lubos ang pakiusap ni Tiangco sa publiko na mag-ingat at manatili sa bahay hangga’t maaari, mahigpit na sumunod sa health protocols tulad ng tamang pagsusuot ng face mask.

Paliwanag ni Tiangco, lahat ay naghihirap dahil sa COVID-19, marami ang namatayan, nagkasakit, nawalan ng hanapbuhay, nawalan ng kalayaang gumalaw kaya mahalaga ang kooperasyon ng lahat para mapigil ang pagkalat ng virus.

Kasama sa pakiusap ni Tiangco sa mga magulang na panatilihin sa bahay ang mga anak dahil maraming mga bata ang pasyente ngayon na may severe o critical case ng COVID-19 tulad sa Philippine General Hospital (PGH).

Tuloy naman ang bakunahan sa Navotas basta’t may suplay ng bakuna pero kailangan ay magparehistro sa covax.navotas.gov.ph para makakuha ng schedule.

Facebook Comments