Nag-plateau na ang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Pero ayon kay Dr. Jomar Rabajante ng UP COVID-19 Pandemic Response Team, hindi ito nangangahulugan na dapat nang magpakampante ang publiko.
Paliwanag ni Rabajante, bagama’t may mga inisyal na senyales na bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa rehiyon ay dapat muna itong mapanatili sa loob ng ilang araw.
“Kailangan nating makita na masu-sustain yung decline. Kapag hindi ito na-sustain, pwede kasi itong mag-reverse e, kasi remember, marami pa ring active cases around,” paliwanag ni Rabajante.
“Second na warning dito is, sabi ko nga, nag-plateau tayo, may kaunting initial decline. Ibig sabihin nandun tayo sa somehow peak o malapit sa peak. So, ibig sabihin, hindi tayo dapat maging kampante, kailangan nating ituloy yung ating proteksyon.
“Itong pagbaba, hindi naman ito in a few days lang. It may take weeks or even a month bago humupa. So, hindi porket nag-peak na, tapos na ang laban,” dagdag niya.
Samantala, bukod sa NCR, dapat ding tutukan ng pamahalaan ang mga probinsya na nakararanas na rin ngayon ng COVID-19 surge bunsod ng Omicron variant.
“Ang isyu sa mga provinces kasi is hindi lang yung actual number but kundi ilan yung pwedeng maging severe at critical. Kasi tatandaan natin sa mga probinsya, mas kakaunti yung kanilang ICU beds, mas maliit ang healthcare facility compared sa NCR. Another one, maraming probinsya lalo na sa Mindanao ang mababa ang vaccine coverage,” giit niya.
Kaya mungkahi ni Rabajante, higpitan ang border control sa mga probinsyang wala pang kaso ng Omicron variant.
“Pinaka-importante yung border control natin dun sa mga lugar na wala pa. Hindi ibig sabihin na mag-restrict, tingnan kung vaccinated na yung papasok, tingnan kung may symtoms, at least, somehow meron tayong border control na ganyan ‘no,” saad ng health expert.
“Dun naman sa mga meron na at nagsisimula nang mag-increase, I think isa sa pinaka-importanteng gawin ng LGU ay protektahan yung kanilang mga healthcare workers kasi sila ang unang-unang pwedeng tamaan e.
“Siguro ang pinakamaganda to protect the frontliners is i-increase ang ating healthcare capacity, maglaan ng ICU beds at kung pwedeng maglaan tayo ng healthcare kits for them kapag nagkasakit sila, kung kayang bigyan natin sila ng suporta,” pahayag ni Rabajante sa panayam ng RMN Manila.