Muling pinaalalahan ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang mga residente nito na manatiling ligtas at sumunod sa mga health protocol na inilatag ng gobyerno.
Ito ay matapos na sumipa muli ang kaso ng COVID-19 kung saan 37 bagong kaso ang naitala sa lungsod.
Dahil dito, umabot na sa 820 ang tinamaan ng sakit na tinututukan ngayon ng Pasay City Health Office.
Bukod dito, binabantayan din ng lokal na pamahalaan ang 412 probable at 28 suspected cases.
Samantala, 42 na ang nasawi sa Pasay dahil sa sakit habang 482 ang gumaling na.
Panawagan ng Pasay City Government sa lahat na manatili sa bahay, magsuot ng face mask kung kinakailangan talagang lumabas ng bahay, laging gawin ang physical distancing at ugaliing maghugas ng kamay para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.