Tiniyak ng Department of Health (DOH) na hindi apektado ng nagaganap ngayong rotational brownout sa Luzon ang mga COVID-19 cold storage facilities.
Sa interview ng RMN Manila kay DOH Secretarty Francisco Duque III, napaghandaan nila ang mga ganitong pagkakataon kung saan tiniyak sa kanila ng Department of Energy (DOE) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na may mga naka-antabay na generator sets sa mga storage facility sakaling mag-brownout.
Ayon kay Duque, nasa maaayos na kondisyon ang lahat ng bakunang nasa cold storage facilities ngayon.
Tuloy-tuloy rin aniya ang vaccination rollout ng pamahalaan kung saan ipinatuturok na nila ngayon ang 1.5 million doses ng AstraZeneca na nakatakdang ma-expire sa June 30, 2021 upang hindi masayang.