Katuwang na ngayon ng mga Local Government Unit (LGU) ang mga contact tracing team ng Philippine National Police (PNP) para matukoy pa ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations at Administrative Support to COVID -19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Lieutenant General Cesar Hawthorne Binag, mula National Headquarters sa Camp Crame hanggang sa mga police station ay mayroon ng mga contact tracing team.
Bukod dito, sinabi ni Binag na bawat police station ngayon ay gumawa na ng station health units kung saan prayoridad nila ay ang kalusugan ng kanilang mga kasamahang pulis para malabanan ang COVID-19.
Bukod sa mga contact tracing team, ideneploy na rin ng PNP ang mga pulis na kabilang sa Medical Reserve Force.
Sila ay ang mga pulis na may medical course background na aabot sa mahigit isang libo na ngayon at nakadeploy sa mga quarantine facilities gaya ng Philippine International Convention Center (PICC), Ultra Pasig Quarantine at iba pa.
Target naman ng PNP na magkaroon ng sariling Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing sa buong bansa para agad na matest ang mga pulis na may sintomas ng COVID-19 lalo’t sila ang direktang humaharap sa tao araw-araw.