Nasa siyam sa bawat sampung (10) Pilipino ang naniniwalang nagdala lamang ng stress ang COVID-19 pandemic sa kanila.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 55% ng mga Pinoy ang nagsabing nakaranas sila ng “matinding stress,” bunsod ng outbreak, habang 34% ang nakaranas ng “sobrang stress,” kung saan umabot sa kabuuang 89% ang na-stress dahil sa pandemya.
Nasa pitong porsyento (7%) naman ang nakaranas lang ng “kakaunting stress” at apat na porsyento (4%) ang hindi kailanman na-stress.
Lumabas din sa survey na 68% ng kabuuang pamilyang Pilipino na nakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan ang nakaranas ng matinding stress, habang 52% ng pamilya ay hindi nakaranas ng involuntary hunger.
Ang stress ay mataas sa mga nawalan ng trabaho o natapyasan ng sahod, kung saan 58% ang mga mayroong trabaho pero walang natatanggap na sahod at 57% ang kasalukuyang may trabaho pero mayroong dating trabaho.
Dagdag pa ng SWS, ang “matinding stress” ay naranasan ng 52% ng mga Pilipinong may trabaho at nakakatanggap ng buong sahod, at 51% naman ang mga walang trabaho.
Mataas ang bilang ng mga nakakaranas ng stress sa Visayas (63%), kasunod ang Metro Manila (58%), Mindanao (55%) at Balance Luzon (51%).
Marami ang nakaranas ng matinding stress sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at General Community Quarantine (GCQ) na sa 55%.
Ang survey ay isinagawa mula May 4, 2020 hanggang May 10, 2020 sa 4,010 respondents sa pamamagitan ng mobile phone at Computer-Assisted Telephone Interviews (CATI).