Bumaba na sa 2% ang COVID-19 case growth rate sa National Capital Region (NCR).
Mula ito sa 3% na naitala noong Biyernes, January 14.
Sa kanyang tweet ngayong Linggo, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na nakapagtala ang NCR ng 18,422 new infections kahapon na pasok sa kanilang expectation.
Samantala, ayon kay David, may dalawang posibleng dahilan ng pagbaba ng growth rate sa rehiyon.
Maaari aniya na malapit na sa peak ang trend ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa NCR o kaya naman ay hindi sapat ang dami ng nagagawang testing.
Dahil dito, posibleng magsimula nang bumaba ang maitatalang bagong kaso sa NCR sa susunod na linggo o kaya ay makapagtala pa rin ng kaparehong taas ng bilang bago magkaroon ng downward trend.
Pero matatandaang sinabi ng Department of Health noong Sabado, na maaaring dumoble pa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa NCR sa ikalawang linggo ng Pebrero.