Walang nakikitang dahilan ang Department of Health (DOH) para ihinto ang vaccination program sa gitna ng pagkamatay ng isang nabakunahang healthcare worker.
Ayon kay DOH Health Promotion and Communication Service Director Dr. Beverly Ho, ang 47-anyos na babaeng healthcare worker ay namatay dahil sa COVID-19 at hindi dahil sa bakuna.
Iginiit ni Dr. Ho na walang kinalaman ang bakuna sa pagkamatay ng health worker.
Mas nananaig pa rin aniya ang benepisyo ng bakuna.
Hindi rin babaguhin ang vaccination protocols.
Nagpaalala naman si Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo sa mga nabakunahan na sundin pa rin ang minimum health standards.
Aniya, hindi “instant” ang proteksyon laban sa sakit.
Dagdag pa ni National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC) Vice Chairperson Dr. Rommel Lobo, kahit nabakunahan ay hindi agad nagde-develop ang antibodies.
Nasa dalawa hanggang tatlong linggo bago ma-develop ang antibody response.