Nagpapatuloy ang isinasagawang COVID-19 mass screening na sinimulan kahapon sa Barangay San Juan, Cainta, Rizal.
Ayon kay Cainta Mayor Kit Nieto, ito na ang pangalawang araw ng COVID-19 mass screening kung saan ay buena mano itong ginawa sa Greenwoods Executive Village, Barangay San Andres, Cainta, Rizal.
Paliwanag ng alkalde, paraan umano nila ito upang malabanan ang pagkalat ng COVID-19.
Dagdag pa ni Mayor Nieto na ang sumailalim sa naturang screening ay ang may close contact sa isang pasyenteng may taglay na COVID-19, may lagnat, ubo, makati ang lalamunan, sore throat at sipon.
Ang ginagawa ng Cainta, Rizal Government ay sila mismo ang pupunta sa bahay ng mga nabanggit na residente dala-dala ang Mobile Kiosk Test Booth para gawin ang procedure.
Giit ng alkalde, kasama nila ang mga nurses at med tech at kasama, aniya, ang kanilang Chief Health Officer para siguruhing tama ang ginagawa nila.