COVID-19 Mass Testing, sisimulan na din sa Lungsod ng Maynila

Ipinag-utos na ni Mayor Isko Moreno ang pagsasagawa ng COVID-19 mass testing sa Lungsod ng Maynila.

Ayon kay Yorme, may kapasidad na ang mga health facilities sa Lungsod na makapagsagawa ng 1,000 plus COVID-19 swab test sa loob ng isang linggo.

Inatasan ni Moreno si Manila City Health Officer Dr. Arnold Pangan bilang pinuno ng  localized targeted mass testing operations.


Kumpiyansa ang Alkalde na kaya ng anim na district hospital na pinatatakbo ng Pamahalaang Lungsod na magsagawa ng 232 COVID-19 swab tests bawat araw o 1,624 kada linggo.

Ilan sa mga ito ay ang:

  • MHD/Delpan Quarantine Facility na kaya ang 50 tests kada araw
  • Ospital ng Maynila – 20 tests
  • Sta. Ana Hospital/MIDCC – 30 test
  • Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center – 50 tests
  • Ospital ng Tondo – 17 tests
  • Justice Jose Abad Santos General Hospital – 15 tests
  • Ospital ng Sampaloc – 50 tests

Ang lahat ng swab tests ay ipu-proseso sa Research Institute for Tropical Medicine (DOH-RITM) ng Department of Health o kaya ay sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH).

Tiniyak sa Alkalde ni Dr. Gap Legaspi, Director ng UP-PGH, na sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw ay mailalabas na ang resulta ng COVID test.

Nabatid na una nang nakapagsagawa ng 934 swab tests ang Lungsod ng Maynila at sa bilang na ito ay tatlo ang ipadadala sa Ninoy Aquino Stadium, na ginawa na rin quarantine facility ng pamahalaan.

Facebook Comments