COVID-19, pang-apat sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino ngayong taon ayon sa PSA

Nananatili pa ring isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino ngayong 2022 ang COVID-19.

Batay ito sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa unang apat na buwan ng taon kung saan aabot sa 10,226 o katumbas ng 6.5% ng kabuuang naitalang nasawi mula Enero hanggang Abril 2022 dahil sa COVID-19.

Bagama’t bumaba ito kumpara sa naitalang 20,160 COVID-19 related deaths sa kaparehas na panahon noong 2021, ito pa rin ang ika-apat na pangunahing dahilan ng pagkamatay sa Pilipinas.


Iginiit ng PSA na ang kanilang datos ay batay sa mga natanggap nitong certificates of death partikular sa inilarawang naksaad sa medical certificate habang nakabatay ang datos ng Department of Health (DOH) sa kanilang surveillance system.

Samantala, nangunguna ang ischemic heart disease sa pangunahing dahilan ng pagkamatay sa bansa na aabot sa 29,442 kaso o katumbas ng 18.7% ng naitalang namatay sa bansa .

Sumunod dito ang Cerebrovascular diseases na may 16,316 deaths o 10.4% habang pangatalo sa listahan ang neoplasms o mas kilala sa tawag na Cancer na may 14,928 recorded deaths o katumbas ng 9.5% ng kabuuang nasawi sa bansa.

Tinatayang nasa 157,507 ang bilang ng nasawi sa bansa sa unang apat na buwan ng taong 2022.

Facebook Comments